Pamamatnubay ng Magulang na Hindi gumagamit ng Negatibong Pananalita
Isang hamon ang pamamatnubay sa mga bata kung nais mo silang palakihin na may integridad habang inihahanda sa tunay na buhay. Minsan pa nga, nalalagay tayo sa isang sitwasyong kinakailangan nating maging mahigpit at kung minsan ay magalit nang masigurado lang natin na naririnig at sinusunod tayo ng ating mga anak. Mula sa maraming taon kong pagtuturo sa mga estudyante at pagpapalaki sa aking pamangkin, natutunan kong ang paghahanap ng paraan para kausapin ang mga bata na iniiwasan ang mga salitang bawal, huwag at hindi ay napakahalaga.
Mahirap talagang aminin na kung minsan, ayaw nating naririnig ang salitang bawal, huwag o hindi. Kahit kung babalikan natin ang ating pagkabata, sigurado akong ang mga salitang nabanggit ay pag-uumpisahan ng pag-iyak o pagdadabog. At sa totoo lang, kahit na iniiwasan kong bigkasin ang mga katagang ito, naririnig pa rin ng mga bata sa iba ang mga ito. Talagang bahagi na ng buhay at pang-araw-araw na bokabularyo ng mga tao ang mga salitang negatibo.
Pero bakit ko pa rin nais himukin ang mga magulang na iwasan ang pagsasalita ng bawal, huwag at hindi? Naniniwala kasi akong totoong nakikinig ang mga bata.
Ginawa ang ating utak upang iproseso ang nararanasan mula sa ating mga pandama. Simula nang matuto tayong magsalita, natuto rin tayong makinig sa istruktura ng pangungusap. Kadalasan sa mga matatanda, kapag tayo’y nakikinig, madali nating natatandaan ang mga sinasabi sa umpisa at lalo na sa dulo ng pangungusap. Subalit, anuman ang naririnig sa bandang gitna ay malimit na nakalilimutan. Pero para sa mga bata, nakatuon ang kanilang buong atensyon sa sinumang kumakausap sa kanila. Ayon nga kay Patricia Bauer, isang propesor ng sikolohiya sa Emory, ang kanilang isipan ay isang lupon ng impormasyong walang kaayusan. Tulad daw ng ating email, ang lahat ng mga impormasyon ay naroroon subalit hindi nakaayos sa pangalan o petsa.
Lampas pa sa pakikinig, mahalaga rin sigurong magkaroon tayo ng malinaw na direksyon o panuto kung ano ang ating gagawin. Kung bigyan tayo ng malabong panuto, hindi natin magagawa nang maayos ang inaasahan mula sa atin. At kung magkamali man tayo sa ating ginawa dahil sa malabong panuto, pagkakamali rin ito ng taong nagbigay ng utos. Masmarami kasing alternatibong paraan upang HINDI gawin ang isang bagay ngunit iisang paraan lamang upang gawin ang DAPAT.
Paano ko ba maiiwasan ang mga negatibong salita kapag kinakausap ang bata?
Madali lang sabihin ang bawal, huwag o hindi. Sa katunayan, masmadaling sabihin ito kaysa gumawa pa ng higit na positibong pangungusap. Ito ang unang kailangang paglabanan. Kayang iwasan ang mga salitang negatibo ngunit mangangailangan ito ng pagsasanay. Hindi madali pero kaya.
Isang araw habang ginagamit ni tatay ang telepono, lumapit si bunso. Imbis na sabihing, “hindi kita pwedeng kausapin ngayon”, sabihing “nasa telepono ako ngayon, anak, kakausapin kita mamaya pagkatapos nito.” Ginagawa ito dahil nga sa nakikinig ang bata. Maaaring ang maging dating sa kanila nang hindi mo pagkausap ay ‘ayaw akong kausapin ni tatay’. Higit na makabubuti yatang huling matandaan ng mga bata ang mga katagang ‘telepono ngayon at kakausapin mamaya’ dahil nagiging malinaw sa kanila ang dahilan at ang mangyayari kung maghihintay lamang sila.
Gayundin kung nasa panganib ang bata at delikadong baka masagasaan sa daan, iwasang sumigaw ng “Huwag kang maglakad sa daan!” Maaaring ang maging dating sa kanila nang pagsigaw na ito ay pagkagulat at pagtataka- ‘bakit nagagalit si mama?’ Ang gusto nating marinig ng bata ay “Anak, pwedeng lumayo ka sa daan.” O “Halika po rito.” Malinaw ang direksyon. Malinaw ang pinagagawa habang iniiwasan ang negatibong pananalita.
Mga alternatibo sa mga salitang bawal, huwag at hindi
Maraming halimbawa ang pwede kong ibigay pero pinili ko na lang ang mahahalagang dapat nating isapuso. Mayroon ka pa kayang maibibigay na halimbawang ginagamit natin sa pang-araw-araw?
Mga Salitang dapat Iwasan
Huwag kang mamalo!
Huwag mong sabihin yan!
Huwag ka ngang umiyak at magdabog!
Hinidi kita marinig!
Wala tayong perang pambili niyan!
Huwag ka ngang mainis!
Hindi yan para sa iyo!
Hindi tayo pwedeng maglaro!
Bawal maglaro dito!
Mga Alternatibong Salita
Ginagamit ang kamay sa sarili! / Pwedeng po bang itago ang mga kamay!
Gumamit po ng ibang salita!
Sabihin po ang gusto. / Sabihin po kung anong nararamdaman.
Pwede po bang lakasan ang boses. / Pakilinaw po ang sinasabi.
Imbis na iyan, ano kaya kung _____________? / Pwede po kaya kung ________na lang.
Ok lang na maramdaman mo iyan, pero______________.
Iyan ay kay_________, pwede bang ito sa iyo.
Pwede tayo maglaro mamya pagkatapos ko nito.
Pwede po bang maglaro doon dahil _____________.
Mahalaga ring tandaan na kapag nagrereklamo ang bata, kadalasan nilang ipinapakita ito sapamamagitan ng pag-iyak o pagdabog. Sa madaling salita, kapag mayroon silang hindi nagustuhang gawin, nagkakaroon sila ng tantrum. Sa mga pagkakataong ito, subuking kausapin ang bata at himuking sabihin ang nararamdaman at tanungin kung ano ang gusto niyang mangyari imbis na magdabog at umiyak lamang.
Posible bang magdisiplinang hindi nagsasabi ng hindi, bawal o huwag?
Pwede! Sa pangkalahatan, ang ideya naman talaga ng mga alternatibong pananalita ay ang pagbibigay sa mga bata ng malinaw at ispesipikong panuto o direksyon.
Sa ating pagdidisiplina, mahalagang maturuan ang mga bata gawin ang dapat nilang gawin. Kaysa disiplinahin ang mga bata sapamamagitan ng pagsasabi kung anong dapat nilang hindi gawin, higit na mabisa at mabilis kung sasabihin na lang kung anong dapat gawin. Kung sasabihing “bawal ang sumuntok!”, baka isipin pang “eh di maninipa na lang ako!”
Tandaang posibleng maiwasan ang mga negatibong salita. Kung laging ilalagay sa ating isip at puso na ang kailangan ng mga bata ay malinaw at ispesipikong direksyon kung ano ang nararapat gawin, pipilitin nating maging positibo sa ating pagdidisiplina.
(hango sa artikulo ni Kara Carrero na Parenting without Saying No)