Hindi mo Kailangang maging Bibong Magulang sa Paaralan para Magtagumpay ang Iyong Anak
Hindi na siguro lingid sa kaalaman ng mga magulang na ang isang mabisang paraan upang magabayan nang mabuti ang mga anak sa kanilang edukasyon ay sapamamagitan ng pagiging aktibo sa paaralan – na makipag-usap sa mga guro, na mag-volunteer sa mga gawaing pampaaralan, na tulungan ang mga bata sa kanilang takdang-aralin.
Subalit, may mga bagong pag-aaral. Sa pinakamalaking pagsusuri tungkol sa mga epekto ng pamamatnubay ng mga magulang sa paaralan o parental involvement sa tagumapy pang-akademiko ng mga mag-aaral, napatunayan nina Keith Robinson (propesor ng sosyolohiko sa University of Texas-Austin) at Angel L. Harris (propesor ng sosyolohiko sa Duke University) na sa pangkalahatan, walang makahulugang epekto ang pamamatnubay ng mga magulang sa tagumpay-pang-akademiko ng mga bata. Binuksan at sinuri ng mga mananaliksik ang mahigit tatlong dekadang survey sa mga Amerikanong magulang at tiningnan ang 63 mga sukatan ng pakikialam ng mga magulang sa buhay-akademiko ng mga bata – mula sa pagtulong sa paggawa ng takdang-aralin, pagbibigay payo para sa kolehiyo, at pag-volunteer sa mga gawaing pampaaralan. Upang mapatunayan na may pag-unlad na nangayayari sa mga batang may pamamatnubay ng mga magulang sa paaralan, iniugnay ng mga mananaliksik ang mga sukatang nabanggit sa mga resultang natanggap ng mga mag-aaral sa kanilang mga asignatura, kasama ang reading at mathematics.
Nagulat sila sa kanilang natuklasan. Tila kaunti o walang makabuluhang tagumpay-pang-akademiko ang naidudulot ng karamihan sa mga porma ng pamamatnubay ng mga magulang sa paaralan. Kung minsan nga daw, hindi pa maganda ang resulta nito. At nangyayari ito sa lahat ng uri ng lahi, antas sa lipunan o antas ng edukasyon.
Ayon kay Robinson at Harris sa kanilang sanaysay na pinamagatang The Broken Compass: Parental Involvement With Children’s Education, ang pagrerepaso ng takdang-aralin gabi-gabi ay hindi makatutulong sa pagkuha ng mataas na marka sa mga pagsusulit. Maaaring epektibo ito sa mababang paaralan subalit kapag tumuntong na raw ang bata sa mataas na paaralan, kaunti na lamang ang naitutulong ng mga magulang dahil hindi na nila matandaan ang kanilang mga aralin sa mataas na paaralan.
Tulad ng nauna, walang makabuluhang pagkakaiba sa tagumpay pang-akademiko ang natanggap ng mga batang may magulang na laging nakikipag-usap sa guro at mga batang may magulang na hindi naman aktibo sa paaralan. Iba pang mga porma ng pamamatnubay na walang makabuluhang epekto ay ang panonood sa klase ng anak, pagparusa sa mga batang may mababang marka, at pagpapatupad nang mahihigpit na patakaran tungkol sa paggawa ng takdang-aralin. Ang mga paraang ito ng pamamatnubay ay lalo raw mag-iiwan ng pagkabahala at pagkaligalig sa bata kaysa pagkasabik matuto.
Mayroon din namang natukoy sina Robinson at Harris na mga paraan at pag-uugaling maaaring makatulong sa bata tulad ng pagbabasa nang malakas sa kanilang mga anak at pag-uusap tungkol sa mga planong pangkolehiyo. Ngunit ang mga uri ng pamamatnubay na ito ay hindi makikita sa loob ng paaralan kundi sa tahanan.
Bilang bahagi ng kaniyang pananaliksik, bumuo si Robinson ng mga pangkat mula sa kaniyang mga estudyante upang talakayin kung paano nakatulong ang kanilang mga magulang sa kanilang tagumpay pang-akademiko. Nalaman niya na hindi tinulak, pinuwersa o masyadong nakialam ang mga magulang ng kaniyang mga estudyante sa loob ng paaralan. Sa halip, natatandaan ng mga estudyante ang pagbigay sa kanila ng mataas na expectation. Inasahan silang ibigay ang abot ng kanilang makakaya at pagkatapos, pinabayaan sila ng kanilang mga magulang.
Maaaring sumasang-ayon ka o hindi sa mga natuklasan ni Robinson at Harris, subalit ito ang kanilang naging mga konklusyon. At dahil dito, lalong nagkaroon ng kaliwanagan sa mga dapat pahalagahan ng mga magulang – na higit na pahalagahan ang pagbibigay sa kanila ng sapat na pagkakataong tuklasin ang mundong kanilang ginagalawan kaysa ang pakikialam masyado sa mga gawaing pampaaralan. Paano, bilang magulang, magagabayan ang mga bata tuklasin ang mundo sa paraang hindi tuwirang nakikialam sa mga gawaing pampaaralan?
Kausapin mo ang iyong anak tungkol sa natututunan nila sa paaralan. Makinig. Maghanda ng mga tanong na hindi lang masasagot ng opo at hindi po. At huwag magturo. Sa halip, magbahagi lang ng nalalaman na parang nagkukuwento. Subukan silang himuking magbasa tungkol sa paksang napag-usapan.
Kausapin mo ang iyong anak tungkol sa mga layunin na gusto niyang marating. Makinig. Matapos na maging malinaw sa inyong dalawa ang gusto niyang mangyari, tulungan siyang maglatag ng mga panuto o patakaran para marating iyon. Hindi mo itatakda ang sarili mong patakaran. Sa halip, kayong dalawa ang bubuo nito. Hanggang maaari, siya ang magbibigay ng mga patakarang nais niyang sundin. Kung mayroon kang ibang pananaw tungkol sa kaniyang patakaran, maaari kang magbigay payo.
Himukin at suportahan mo ang kaniyang pagiging malikhain. Suportahan mo ang kaniyang hilig sa pagguhit, musika, pagsayaw, pagkanta, pagbuo ng bagay-bagay, pag-eksperimento, at marami pang iba. Ibili mo siya ng pangguhit at pangkulay. Magpatugtog at sumayaw kayong pareho sa bahay habang kumakanta. Ibili mo siya ng Lego. Pabayaan mo siyang paghiwa-hiwalayin ang electric fan. Wika nga ni Einstein,
"The true sign of intelligence is not knowledge but imagination.
Logic will get you from A to B. Imagination will take you everywhere.
The important thing is to not stop questioning. Curiosity has its own reason for existing.”