top of page

Magbasa ng Malakas sa Bata


MomReading.jpg

Sa wikang Filipino man o sa Ingles, ang pagbabasa ng malakas sa mga bata ay makapagbibigay sa kanila ng panghabambuhay na pakinabang.

Noon at Ngayon

Bago dumating ang telebisyon sa ating mga tahanan, lumaki ang mga bata na nakikinig ng mga bugtong, awitin, tula, at mga kuwento. Talagang mapalad ang mga batang naranasan ang mayamang pamana ng salin-dila – si lolo na nagkukuwento ng kaniyang kapangahasan laban sa mga Hapon o si lola na nagkukuwento tungkol sa mga maligno’t aswang.

Malaki na ang naging pagbabago ng daigdig ngayon. Madalas na namumuhay ang mga pamilya malayo sa mga matatanda. Ang mga magulang ay abala sa kani-kanilang mga trabaho. At siyempre, nariyan ang pag-usbong ng teknolohiya. Nagkakaroon na ng pagpalit ng pagpapahalaga ang mga miyembro ng pamilya tungkol sa kahalagahan ng pagkukuwento.

Anu-anong mga Panitikan ang puwede para sa mga Bata?

Hindi na natin maaaring maibalik pa ang mga kuwento nina lolo at lola subalit maaari pa rin nating maipamana sa ating mga anak ang hiwaga at yaman ng pagkukuwento. Kuwentuhan natin sila ng mga kuwentong-pambata. Napakaraming maaaring pagpilian mula sa mga aklat-pambata tulad ng mga alamat, kasaysayan, tula, pabula, at marami pang iba. Siguradong kagigiliwan ng mga bata ang mga makukulay na larawan sa bawat pahina na tumutulong din sa pagbibigay kahulugan sa kuwento.

Anu-anong mga Kabutihan ang Pagbabasa ng Malakas sa mga Bata?

Gusto mo bang magpalaki ng batang mahusay sa paaralan? Basahan mo siya. Napatunayang mula pagsilang hanggang sa edad na pitong-taong gulang, ang kapasidad ng mga bata para matuto ng anumang wika ay napakataas. Habang sila ay binabasahan ng malakas at nagbabasa rin ng malakas, higit silang nagiging bihasa sa pagsusulat at pagbaybay. At ang mga batang binasahan ng malakas at nakapagbabasa ng malakas sa murang edad ay malimit na nakatatanggap ng matataas na marka sa mga pagsusulit pagdating ng mababang paaralan.

Gusto mo bang magpalaki ng batang nakakaunawa ng ibang pananaw? Basahan mo siya. Matututunan ng mga bata ang makiramay at mailalagay nila ang kanilang sarili sa isang sitwasyon o tauhan. Maaari nilang maramdaman kung anong nararanasan ng bida sa kuwento – pagkagalit, pagkatakot, o pagkatuwa. Higit sa lahat, mapupulutan ng aral ang mga kuwento tulad ng pagkahabag, pagpapatawad, pagpapakumbaba at pagbabahagi sa iba.

Basahan mo siya kung nais mong makilala nila ang mahahalagang tao sa kaniyang paligid tulad ng matatanda, si mamang pulis, si mamang bumbero at si mamang tsuper. Tulungan mo silang maunawaan ang kahalagahan ng kanilang ginagawa para sa ikabubuti ng lahat ng mamamayan.

Basahan mo siya nang makabisita siya sa ibang bansa, matutunan niya ang ibang kultura, at makapaglakbay siya sa labas ng daigdig. Nahahasa ang imahinasyon at napatatalas ang perspektibo tungkol sa mundo ng mga bata tuwing sila’y binabasahan.

Naririto ang ilang payo mula sa Scholastic Parents para sa mabuting pagbabasa ng malakas:

  1. Keep it warm and fuzzy – Siguraduhing komportable siya habang binabasahan. Ang panahong ito ay bonding-time din ninyo. Gawin itong kaayaaya.

  2. Reveal the process of reading – Bagalan ang pagbabasa at huminto tuwi-tuwina para magtanong. Tanungin siya tungkol sa anong titik, ilang bilang, anong kulay, anong nararamdaman ng tauhan o bakit nangyari iyon.

  3. Talk as you read to develop language skills – Magsalita habang nagbabasa. Ulitin ang ilang salitang nais mong bigyang diin, lalo na ang mga bagong salita, at ipaliwanag ang kahulugan ng mga ito.

  4. Ham it up! – Bigyang buhay ang binabasa. Lagyan ng iba’t ibang tunog. Ibahin mo ang iyong boses. Gawin mong masaya ang pagbabasa ng malakas nang hanap-hanapin nila ang iyong pagkukuwento.

Panoorin ang maikling video na ito para matuto kung paano gawin ng wasto ang pagbabasa ng malakas:

(hango sa ERIC Clearinghouse on Rural Education and Small Schools, AEL, Inc.)

Recent Posts
Archive
Search By Tags
Follow Us
  • Facebook Basic Square

John Davies Vardeleon or Sir Var to his students is an educator at heart. His experiences in teaching Social Studies in the Jesuit-run Ateneo de Manila University for eight years and moderating for the school's Citizenship Program for ten years, inspired him to promote proper parenting, teacher-training, and the use of the Filipino language in his community through High Horizons Learning Center, which he started in 2007.

bottom of page