top of page

5 Paraan para Magpalaki ng Masasayang mga Anak


Paano nga ba natuturo maging masaya ang isang bata? Hindi panandaliang sayang dulot ng makabagong teknolohiya o paboritong pagkain ang sinasabi ko. Madalas kasi, ganyan ang mga paraan ng mga magulang para maaliw at sumaya ang kanilang mga anak. Pero ayon kay Edward M. Hallowell, M.D., isang kilalang psychiatrist, guro sa Harvard Medical School, at manunulat ng aklat na The Childhood Roots of Adult Happiness, mahalagang matutunan ng mga bata ang kasiyahang sila ang gumagawa. Naglatag si Dr. Hallowell ng limang bagay na kailangang maituro sa mga bata upang lumaki silang mataas ang pagpapahalaga at tiwala sa sarili.

  1. Pagkakaroon ng malalim na kaugnayan sa pamilya at pamayanan: Higit na payapa raw ang mga batang may malalim na kaugnayan sa pamilya at pamayanan. Kailangan nila ng pagmamahal mula sa mga magulang. At kung mararamdaman nila ang pagmamahal mula sa iba pang mga tao tulad nina lolo, lola, tito, tita, at mga guro, lalo silang magkakaroon ng pagpapahalaga sa sarili.

  2. Paglalaro: Makabubuti raw ang isang malayang paglalaro kung saan ang mga bata ang nag-iimbento ng mga pangyayari. Hikayatin silang gamitin ang imahinasyon at sagutin ang sariling mga katanungan nang matuklasan nila ang kanilang mga kalakasan at maturuan silang maging mapamaraan.

  3. Pagsasanay: Kapag nakikita ng mga bata na magaling sila sa isang bagay, uulit-ulitin nila itong gawin. Kung minsan naman, nahihirapan silang gawin ang isang bagay at kakailanganin nila ang paghihikayat at kaunting tulong mula sa magulang para tapusin ang gawain. Mahalagang matutunan nilang magagawa ang isang bagay kung ito’y pagsasanayan.

  4. Pagtagumpay: Mula sa pagsasanay, makakamtan ang tagumpay. Makikitang nagkakaroon ng pagbabago sa pananaw ng mga bata tuwing napagtatagumpayan nila ang isang hamon tulad ng pagtali ng sariling sintas, pagtugtog ng piano, pagbuo ng bahay yari sa Lego at marami pang iba. Nagkakaroon sila ng motibasyong matuto pa ng ibang bagay.

  5. Pagkilala: Nagkakaroon ng mas malalim na ugnayan ang bata sa ibang tao tuwing nararamdaman niyang mayroong kabuluhan ang kaniyang ginagawa. Magandang kilalanin at suportahan ng magulang, guro at mga kaibigan ang mga kabutihan o kahusayan ng bata nang maipagpatuloy niya ang mga ito at maramdaman niya ang kasiyahang siya ang gumawa.

Ituro mo sa iyong anak ang limang katangiang ito at nakatitiyak si Dr. Hallowell na magkakaroon siya ng isang makabuluhan at masayang buhay.

Naririto ang ilang highlights sa isang seminar ni Dr. Hallowell:

Recent Posts
Archive
Search By Tags
Follow Us
  • Facebook Basic Square

John Davies Vardeleon or Sir Var to his students is an educator at heart. His experiences in teaching Social Studies in the Jesuit-run Ateneo de Manila University for eight years and moderating for the school's Citizenship Program for ten years, inspired him to promote proper parenting, teacher-training, and the use of the Filipino language in his community through High Horizons Learning Center, which he started in 2007.

bottom of page