top of page

10 Paraan Para Mapakain Sila ng Gulay at Prutas


when-kids-wont-eat-vegetables-arti.ashx.jpg

Aminin na natin. Ang hirap talagang pakainin ng masusustansyang pagkain ang ating mga anak. Pagnakakakita sila ng gulay, parang nagkakaroon ng pandikit ang kanilang mga bibig. Aba! Hindi mabuksan-buksan kahit anong pilit natin subuan. Gusto man nating masiyahan sila sa kanilang kinakain, nakakapanghinayang lang kung hindi sila nakakakain ng pagkaing kinakailangan ng kanilang katawan.

Sa aking pagsasaliksik ng mabibisang paraan para kumain sila ng gulay at prutas, napag-alaman kong walang iisang pormulang makasasagot sa ating problema. Subalit, mayroong mga mungkahing palaging ginagamit ng maraming magulang. Baka sakaling maging mabisa para sa inyo. Ating subukan ang mga sumusunod:

Maging Halimbawa

Sinasabing ang pinakamabisang sukatan kung paano kumakain ang bata ay sapamamagitan ng pagtingin kung paano kumakain ang kaniyang mga magulang. Kung habang paglaki pa lang, gulay at prutas na ang inilalatag sa hapag-kainan, iyon at iyon din ang mga pagkaing kinakain ng mga miyembro ng tahanan. Mahirap talagang pilitin ang mga taong kumain ng gulay kung hindi ito regular na mahahanap sa mesa.

Gawing kasiya-siya ang pagkain

Mahilig maglaro ang mga bata. Mahilig din silang gumamit ng kanilang imahinasyon. Patakbuhin si carrot sa loob ng kaniyang bibib-kuweba para maging ligtas sa mainit na dagat ng sabaw. Ipabilang mo sa kaniya kung ilang subo ng gulay ang magagawa ng bawat miyembro ng pamilya, kasama siya. Makatutulong ang pag-uugnay ng pagkain ng gulay at paglalaro para mapasubo siya ng kaunting gulay at prutas.

child-11.jpg

Isama siya sa paghahanda ng pagkain

Kapag namumuhunan daw ng oras ang bata sa paghahanda ng pagkain, higit na nagkakaroon siya ng motibasyong kainin ito. Maaari mo silang isama sa palengke at papiliin ng gulay o prutas na ihahanda sa kainan mamya. Siguradong hahanapin nila sa hapag-kainan ang pagkaing kanilang pinili. Pwede mo rin silang turuang maghanda ng pagkain tulad ng paglilinis, pagpuputol, paghahalo o pagbabalat. Kapag makita niyang kinakain ng lahat ang kaniyang inihanda, makakaramdam siya ng saya at tiyak na magiging masmadali siyang pakainin ng gulay at prutas.

Gamitin ang “isang subo lang”

Ayon sa mga pag-aaral, kailangang maging pamilyar ang bata sa isang uri ng pagkaing kaniyang tinanggihan na. Kailangang makita niya ang pagkaing ito sa hapag-kainan ng 8 hanggang 10 beses bago ito subukan uli ng bata at maging katanggap-tanggap na. Sumakatuwid, ipasubok sa bata ang gulay o prutas kahit ‘isang beses o isang subo lang’ kahit patuloy itong tinatanggihan. Sinasabing 8 hanggang 10 beses dahil kailangan munang maging pamilyar ito sa bata at makita niyang kinakain talaga ng matatanda ang pagkain bago niya ito tanggapin.

Huwag mong pilitang ubusin ang pagkain

Naiintindihan natin ang kasabihan ng matatandang ‘ubusin ang pagkain at kawawa ang walang makain.’ Pero sa bata, hindi pa niya gaanong nauunawaan ang kabuluhan ng kasabihang ito. Sa tuwing pinipilit mong ipaubos sa kaniya ang pagkaing ayaw niya, binibigyan mo lang siya ng masamang karanasan sa pagkain nito. At tuwing makakakita siya ng pagkaing iyon, maiuugnay niya ang masamang pakiramdam sa pagkaing iyon. Ang mabisang gawin ay maghain lamang ng kaunti para sa kaniya nang sa gayon ay hindi masayang kung hindi niya ito maubos.

Bigyan ng premyo ang mabuting pag-uugali

Sa kabilang banda, makakatulong sa pagbawas ng pagiging pihikan sa pagkain ang pagbibigay ng premyo tuwing sumusubok siya ng pagkain. Pwedeng bigyan ng sticker o kendi pagkatapos kumain. Makapagbibigay ng pangmatagalang magandang impresyon ang pag-uugnay ng masayang karanasan sa kanilang pagkain ng gulay at prutas.

Pagpapaliwanag ng naaayon sa kanilang edad

Iba ang pagtingin ng matanda sa bata. Wala silang pakialam sa kanilang kalusugan. Kaya kung ang pagpapaliwanag mo sa pagkain ng malunggay ay ‘masustanysa iyan’ o ‘kailangan kasi ng katawan mo iyan’, siguradong mabibigo kang pakainin sila ng gulay. Sa kabilang banda, mayroon silang pangarap maging matangkad o malakas. Subukang ipaliwanag na ang pagkain ng gulay at prutas ay ‘makakatulong sa iyong pagtangkad’ o ‘magbibigay sa iyo ng lakas para maging superhero’.

vege_fun_plate3-366x200.JPG

Isaayos ang gulay sa paraang nakakatuwa

Likas sa batang maging mahilig sa makukulay at nakatutuwang bagay. Maghanda ng iba’t ibang uri ng gulay para maparami ang kulay ngunit huwag itong ipagsama-samahin. Hangga’t maaari, isaayos ang iba’t ibang gulay at prutas sa isang nakatutuwang paraan tulad ng mukha ng hayop o tao.

Gumamit ng mantikilya, bawang at bacon

Hindi naman kasalanan ang maglagay ng dagdag na lasa sa hinanda mong gulay para lang maging kaengga-engganyo para sa mga bata. Lalo na sa mga batang pihikan, mahalagang maging komportable sila sa pagkaing ayaw talaga nila. Kung kailangang ihain ang pagkaing ito kasabay ng siguradong magugustuhan nila, tulad ng keso o bacon, ayos lang ‘yun.

Huwag sumuko

Tandaang mayroong mga batang mas madaling pakainin ng gulay at prutas kaysa iba. Para sa mga unang uri ng bata, pasensya ang kailangan. Para sa kanilang kapakanan, at sa inyo rin, mabuting malutas ang problema sa pagiging pihikan sa pagkain habang bata pa. Ipagpatuloy maging magandang halimbawa, magbigay ng positibong karanasan sa pagkain, ipatupad ang patakarang ‘kahit isang subo lang,’ ipatulong sila sa kusina, at ipagpatuloy ang paghain ng masusustansyang pagkain sa hapag-kainan. Siguradong ang iyong pagsusumikap ay magbubunga ng malulusog na anak.

Recent Posts
Archive
Search By Tags
Follow Us
  • Facebook Basic Square

John Davies Vardeleon or Sir Var to his students is an educator at heart. His experiences in teaching Social Studies in the Jesuit-run Ateneo de Manila University for eight years and moderating for the school's Citizenship Program for ten years, inspired him to promote proper parenting, teacher-training, and the use of the Filipino language in his community through High Horizons Learning Center, which he started in 2007.

bottom of page