top of page

9 na Paraan para Paghandaan ang Una Niyang Araw sa Paaralan

Ang unang pagpasok ng iyong anak sa paaralan ay napakalaking pagbabago sa kaniyang buhay, at gayundin sa iyo. Upang magkaroon ng positibo at masayang karanasan ang kaniyang unang pagpasok, mabuting paghandaan natin ito. Huwag mag-alala tungkol sa pagtuturo ng wastong pagbabasa at pagbibilang. Matututunan naman niya ang mga ito mula sa kaniyang guro. Sa halip, subukang turuan ang iyong anak ng kumpiyansa sa sarili, kasanayan sa pagsasarili at kasanayan sa wastong pakikisalamuha sa iba. Naririto ang ilang mga payo mula sa Professional Association for Childcare and Early Years (PACEY) ng Estados Unidos.

first-day-of-school.jpg

  1. Paghandaan ang Pananamit: Turuan silang damitan ang kanilang sarili. Iwasang bumili ng mahihigpit at maliliit na mga butones. Ipasuot sa kanila ang bagong sapatos. Huwag munang bumili ng sapatos na may sintas. Hangga’t maaari, bumili ng sapatos na velcro ang panghigpit.

  2. Paghandaan ang Pagkain: Siyempre, magkakaroon siya ng Recess. Turuan siyang humawak ng kubyertos. Kung magdadala siya ng lunch box, siguraduhing madali lang ito buksan. Kung sakaling hirap pa siya gumamit ng kubyertos, ipaghanda siya ng pagkaing maaaring hawakan at isubo lang. Sanayin siyang kumakain kasama ng ibang tao sapamamagitan ng pagyaya sa iba niyang mga kalaro na kumain din sa bahay kasama niya.

  3. Paghandaan ang Pagsunod: Inaasahang marunong na siya makasunod sa guro kahit papaano sa kaniyang pagpasok. Subukang maglaro ng larong “Simon says” o kaya naman turuan siyang sumunod sa mga kautusang ‘isuot mo na ang sapatos mo’, ‘maghugas ng kamay bago kumain’, o ‘tanggalin mo na ang damit mo.’ Tandaang purihin siya tuwing nakakasunod ng tama.

  4. Paghandaan ang Kumpiyansang Magsalita: Higit siyang madadalian kung kaya na niyang sabihin ang iniisip, nararamdaman, o gustong gawin. Para siya magkaroon ng kumpiyansa sa pagsasalita, mag-usap kayo ng anumang bagay. Pwede niyong pag-usapan ang mga paborito niyang laruan o ipapaliwanag mo sa kaniya ang kaniyang guhit. Mag-usap kayo na walang nakakagambalang telebisyon, stereo, computer o cellphone. Sanayin din siyang kausapin ang mga taong hindi niya gaanong kakilala tulad ng pagbati ng magandang umaga kay manong security guard.

  5. Paghandaan ang Pangangalaga nila sa Sariling Katawan: Sa lahat ng mga kasanayang pwedeng maituro, marahil ang pagpunta ng toilet ang pinakamahalaga. Sanayin siyang magpunta ng toilet sa oras, magpunas ng wasto at maghugas ng kamay pagkatapos. Mahalaga ring matuto siyang magpunas ng ilong. Ipaalam din sa kaniya kung anong gagawin kung sakaling naihan o nadumi siya sa kaniyang salawal. Iturong laging magsasabi sa matanda kung sumasakit ang tiyan.

  6. Paghandaan ang Paggamit nila ng Kamay: Hayaan siyang gumamit ng gunting, clay, crayola, at paintbrush. Magpatulong ka sa kusina. Tulungan palakasin ang kaniyang mga daliri at kamay sapamamagitan ng anumang gawaing huhubog ng kaniyang motor skills.

  7. Paghandaan ang Pagtukoy ng kanilang Pangalan: Hindi pa naman inaasahan sa mga bata na mag-uumpisa pa lang sa paaralan na marunong ng magsulat pero sana man lang, natutukoy na niya ang kaniyang pangalan. Sanayin siyang tukuyin ang kaniyang pangalan sapamamagitan ng paglalagay nito sa iba’t ibang lugar sa bahay tulad ng refrigerator, pintuan, o salamin. Pwede rin kayong maglaro habang tinuturuan mo siyang hanapin ang kaniyang pangalan.

  8. Paghandaan ang Pagbibilang: Maganda rin kung medyo maipakilala mo na sa kaniya ang mga bilang. Maaari kayong kumanta ng mga awiting may pagbilang tulad ng “1 little 2 little 3 little Indians”. Kung may pagkakataong magbilang sa kusina, hapag-kainan, sasakyan o playground, magbilang kayo ng kutsara, mansanas, gulong o paru-paro. Ang mahalaga ay magbilang ng tunay na bagay.

  9. Paghandaan ang Pakikisalamuha: Ang pagbibigay, pakikibahagi, at pakikisalamuha ay mahahalagang kasanayang inaasahan nating matutunan niya sa paaralan. Napakagandang pagkakataong matutunan na niya ang mga kasanayang pagsunod sa patakaran, pagbibigayan, wastong pag-uugali kapag natatalo, at marami pang iba bago pa man siya tumuntong sa paaralan sapamamagitan ng paglalaro sa playground o kasama ng ibang mga bata.

Recent Posts
Archive
Search By Tags
Follow Us
  • Facebook Basic Square

John Davies Vardeleon or Sir Var to his students is an educator at heart. His experiences in teaching Social Studies in the Jesuit-run Ateneo de Manila University for eight years and moderating for the school's Citizenship Program for ten years, inspired him to promote proper parenting, teacher-training, and the use of the Filipino language in his community through High Horizons Learning Center, which he started in 2007.

bottom of page