Likas bang Marunong ang Iyong Anak? Gifted ba Siya?
Likas bang marunong ang aking anak (is my child gifted)? Ito ang uri ng tanong kadalasang tinatanong ng isang magulang. Sa aking pagsasaliksik, mayroong ilang sagot na madalas ginagamit ng mga paaralan para matukoy kung likas na marunong nga ang bata.
Ano ang kahulugan ng pagiging likas na marunong?
Ano ang kahulugan ng pagiging likas na marunong o gifted? Ang kahulugan ng pagiging likas na marunong ay iba-iba para sa iba’t ibang paaralan, organisasyon, at kultura sa napakaraming paraan. Kadalasan, para sa marami, ang pagiging likas na marunong ay pagkakaroon ng higit sa normal na taas ng katalinuhan na nasusukat ng kanilang IQ. Sa Estados Unidos, nagbigay ng kanilang pagpapakahulugan ang National Association for Gifted Children.
"Gifted individuals are those who demonstrate outstanding levels of aptitude (defined as an exceptional ability to reason and learn) or competence (documented performance or achievement in top 10 percent or rarer) in one or more domains. Domains include any structured area of activity with its own symbol system (e.g., mathematics, music, language) and/or set of sensorimotor skills (e.g., painting, dance, sports)."
20 palatandaan ng likas na marunong
Habang nakatutulong sa pagsukat ng katalinuhan ang IQ Test, natutukoy kadalasan ng mga kaibigan, kapamilya at mga guro ang karunungan ng bata sapamamagitan ng pagmamasid. Naririto ang ilang katangian ng mga batang likas na marunong batay sa checklist mula sa Austega, isang kompanya sa Australia na gumagawa ng mga programa para sa mga may likas na karunungan. Tandaan, walang isang batang nagpapakita ng lahat ng mga katangiang ito.
Madaling matuto
Malawak ang bokabularyo sa kaniyang edad
Nagpapakita ng pambihirang abilidad manuri
Madaling magsaulo pero naiinip sa pagsasaulo
Nangangailangan ng kaunting pagdidisiplina mula sa iba ngunit nakakayang disiplinahin ang sarili kung minsan
Mayroong pagkiling sa istruktura, pagkaayos at consistency
Hindi nakatali ang mga ideya sa iisang paraan at napag-uugnay ang ilang ideya sa hindi karaniwang paraan
Inuusisa ang iba’t ibang bagay, sitwasyon at pangyayari habang nagtatanong ng mga kakaibang tanong
Nakakakuha ng matataas na marka sa karamihan o lahat ng kaniyang mga asignatura
Matalas ang kaniyang pokus
Mabilis na nakapagbibigay ng sagot
Mapamaraan sa paghahanap ng solusyon sapamamagitan ng kakaibang paraan
Mataas ang interes sa agham o panitikan
Naipakikita ang pagka-orihinal at pagkamalikhain sa pagsasalita o pagsusulat
Magaling sa pagsusuri at pagbubuo ng mga ideyang abstract
May kumpiyansa sa sarili
Madalas na nadadaig ang ibang mga kaklase at sitwasyon
Madalas na ginagamit ang commonsense
Hindi madaling matakot sa hamon o hirap ng sitwasyon
Madaling matanggap ang kalagayan ng sitwasyon