6 na Paraan kung Paano Linangin ang Pagkamalikhain sa Bata
Maraming nag-aakalang dapat likas sa isang bata ang pagiging malikhain. Tulad ng anumang katangian, sinasabing ipinapanganak ang bata na matalino o malikhain o hindi matalino o hindi malikhain. Pero kung susuriin, isang kasanayan ang pagiging malikhain at makatutulong ng malaki ang mga magulang sa pagpapa-unlad nito. Dahil susi ang pagiging malikhain sa tagumpay-propesyunal at personal na buhay, kailangan itong matutunan. Kailangan ito upang makapagpa-unlad ng negosyo, makagawa ng mga obra, makatuklas ng ibang kaalaman, makalunas ng mga sakit, makasagot sa mga problema at mapalakas ang ugnayan sa ibang tao. Sapamamagitan nito, natututo tayong maging higit na bukas sa mga pagbabago at natututong makibagay sa mga pagbabago.
Ipinagpapalagay ng mga eksperto na binago na ng ating henerasyon ang karanasan ng mga bata upang maging mapanlikha. Dahil sa mga naglipanang laruan at teknolohiya, binansot natin ang kanilang abilidad upang gamitin ang imahinasyon. Hindi na kailangang gamitin ang imahinasyon upang ipagpalagay na ang hawak na patpat ay espada o ang maliit na tau-tauhan ay isang superhero. Napakadaling buksan ang PS3 o ang computer para maglaro ng espada bilang jedi o lumipad bilang superman.
Sa gitna ng mga teknolohiyang ito, paano natin maitataguyod ang pagpapaunlad ng kasanayang maging malikhain? Mayroong 6 na mungkahing maaaring ipatupad ngayon sa inyong tahanan:
Bawasan ang teknolohiya at dagdagan ng ibang kagamitang kakailanganin nila. Kailangan ng mga bata ng panahon para maglaro ng larong sila ang nag-iimbento. Bigyan sila ng lugar sa bahay kung saan naroroon ang iba’t ibang bagay na maaari nilang buuin o paglaruan gamit ang kanilang imahinasyon. Sa halip na teknolohiya, isaalang-alang ang pagbili ng lego, mga pintura at pinsel, blocks, puzzle at mga kunya-kunyaring kagamitan sa hospital, bahay o konstruksyon.
Linangin ang iba’t ibang ideya at isang kapaligirang malikhain. Hindi malusog ang isang kapaligirang masyadong kritikal sa mga ideya. Halimbawa, tuwing hapunan kung saan nag-uusap-usap ang pamilya sa hapag-kainan, humingi ng mga mungkahi mula sa mga bata kung anong nais nilang gawin sa darating na Sabado at Linggo. Humingi ng mga mungkahi kung paano mapapaganda ang bahay. Humingi ng mungkahi habang pinipigilang magbigay ng sariling paghuhusga kung maganda, hindi maganda, posible o imposible ang kanilang mga mungkahi. Pahalagahan ang pagbubuo ng mga ideya kaysa pagtukoy sa mga puwede at hindi puwedeng mangyari. Hayaan ang mga batang magkamali. Madalas kasing magalit ang mga magulang tuwing nagkakamali ang bata. Huwag. Magpasensya. Lalong nagiging malikhain ang mga bata kung matutuklasan nila sa kanilang sarili ang pinakamabisang paraan upang mabigyang solusyon ang kanilang problema. Kailangan lang ng kaunting pagtuturo at pagtutulak upang hindi sila agad sumuko sa paghahanap ng solusyon. Itaguyod ang pagiging malikhain sapamamagitan ng paggamit ng makulay, masining at malikhaing palamuti, kagamitan, instrumento at kuwentuhan sa tahanan. Maglagay ng masisining na larawan at painting sa pader. Pag-usapan ang musika, arkitektura, potograpiya, bagong teknolohiya, at mga kuwentong nabasa.
Pabayaan mo ang batang tuklasin ang sariling ideya at gustong gawin. Iwasang maging sobrang palautos. Pigilan ang sariling magpagawa ng bagay sa loob ng iisang paraan lang. Halimbawa, iwasang magpakulay sa loob ng mga linya para mabuo ang kaniyang paboritong tauhan sa cartoon. Hindi kailangang laging maganda at malinis ang kanilang coloring book. Sinasabing nababawasan ang kanilang pagiging malikhain tuwing mayroon silang sinusundang isang paraan ng pagguhit. Maaaring hindi obra ang kalalabasang hitsura ng kanilang guhit ayon sa ating pananaw subalit kanila itong ginawa at kailangan itong ipagmalaki.
Maglaan ng oras bawat araw para sa malikhaing libangan o pampalipas oras tulad ng pagbabasa ng libro (hindi textbook), pagguhit, paggupit, pagdikit, pagkulay, at kahit na pagsusulat. Magandang makapagsimula sila ng journal – isa itong diary o sa modernong panahon, isang blog. Sa pamamagitan ng paglagay ng kanilang mga iniisip sa papel o computer, mahahasa ang kanilang mga kasanayan sa wika, pagsusuri, pagbubuo at higit sa lahat, ang kanilang pagiging malikhain. Sa madaling salita, itaguyod ang pagkakaroon ng isang hobby.
Iwasang magbigay ng materyal na gantimpala sa pagpapakita ng pagkamalikhain. Nakasasagabal ang pagbibigay gantimpala sa proseso ng paglikha at nababawasan ang kalidad ng pag-iisip. Sa halip, pabayaan ang mga batang maging bihasa sa mga gawaing interisado sila. Ang kanilang saya at pagpupunyagi sa gawaing ito ay sapat na gantimpala para sa kanila. Bilang dagdag pabuya, maaaring himukin silang gumawa ng iba pang bagay na interisado sila. Huwag kalilimutang papurihan ang kanilang mga gawa. Ang magagandang salita ng pagsuporta at pagmamalaki sa kanilang trabaho ay magpapalakas sa kanilang loob ipagpatuloy ang pagiging malikhain.
Ituon ang pansin sa kung paano siya nagtatrabaho at hindi kung ano ang kinalabasan ng trabaho. Tandaang higit na mahalaga ang proseso at kung paano niya ipinapakita ang kaniyang pagiging malikhain kaysa ang produkto ng kaniyang paglikha. Isang paraan upang ipakita ang kahalagahan nito ay ang pagtatanong sa kaniya kung paano niya narating ang kaniyang ginawa – Nag-enjoy ka ba habang ginagawa mo ito? Anu-ano ang ginawa mo para magawa ito? Anong nagustuhan mo sa gawaing ito?
Minsan nga lang, ginagamit ng ibang bata ang kanilang pagiging malikhain sa ibang paraan. Ganito ka ba kamalikhain noong bata ka? Panoorin ang video.