top of page

10 Paraan ng Pagtugon sa Hindi Magandang Pag-uugali ng Bata


Ipinapakita ng bata ang kaniyang nararamdaman o iniisip sa kaniyang mga pagkilos. Kadalasan, ipinaparating niya sapamamagitan ng kaniyang kilos ang hindi niya masabi nang mabuti. Siguro, bago tukuyin ang pinakamabisang paraan ng pagdidisiplina, mabuting suriin ng mabuti kung ano ang ugat ng problema ng bata.

1. Gusto niya ng atensyon

Ang pagkilos o pag-uugaling hindi maganda ay kadalasang tanda ng isang batang humihingi ng atensyon. Pakiramdam niya’y napag-iiwanan o nakakalimutan siya. Kapag nasa telepono si mama o may kausap na tao si papa o nagluluto si lola, maririnig na ang pagdadabog, pagrereklamo, at pag-tantrum para lang makakuha ng atensyon. Kahit na negatibong atensyon pa ito, gagamitin ito ng bata para lang pansinin, kausapin, o panoorin siya ng matanda.

Ang hindi pagpansin sa mga negatibong pag-uugali at pagpuri sa mga positibong pag-uugali ay mabisang paraan sa batang humihingi ng atensyon.

2. Ginagaya niya ang iba

Natututo ang bata sa pangongopya ng kaniyang mga nakikita. Ito ma’y nakitang ginawa ng kaklase, ni kuya, ni papa o ng kaniyang pinanonood sa telebisyon, gagayahin ito ng bata.

Mahalagang limitahan ang panonood ng bata sa telebisyon o computer. Kung hangga’t maaari, manood ng telebisyon kasama niya nang sa gayon, makontrol mo ang uri ng kaniyang pinanonood. Higit sa lahat, maging mabuting halimbawa sa kaniya.

3. Sinusubukan niya ang kaniyang kakayahan

Mahalagang maging malinaw sa mga limitasyong ilalatag mo at lalo na sa mga tugon o resultang mangyayari kung susuwayin man ang patakaran mo. Kung mayroong pagkakataong makalulusot ang bata, susubukan niya ito. Pero, kung malinaw sa kaniya na may negatibong mangyayari tuwing susuway siya, malilimitahan ang kaniyang hindi magandang pag-uugali. Ang susi rito ay consistency. Laging sundin ang sariling mga patakaran.

4. Kulang siya sa kasanayan

Mayroong batang hindi maganda ang ikinikilos dahil sa kakulangan ng kasanayan. Ang batang kulang sa kasanayan sa pakikisalamuha ay maaaring manulak o makasakit ng ibang bata. Maaaring hindi nagliligpit ang bata ng kaniyang mga laruan dahil sa kakulangan ng kasanayan sa paghahanap paraan. Hindi niya alam kung anong gagawin sa mga laruang hindi magkasya sa kahon.

Isang paraan ng pagdidisiplina ay pagtuturo. Ituro sa bata ang mga kasanayang kakailanganin niya upang magawa nang maayos ang mga bagay-bagay. Sa susunod, ituro sa kaniya na ang mga kamay ay ginagamit para sa pagyakap o pagtulong at hindi pananakit. Sa susunod, ituro sa kaniyang humingi ng tulong kay mama kung mayroon pa siyang laruang gustong iligpit at ipakikita ni mama kung paano ito gagawin.

5. Gusto niyang maging mapag-isa

Sa bawat antas ng paglaki ng bata, nais niyang ipakita ang kaniyang pagiging mapag-isa. Nais niyang ipakita na kaya na niyang tumakbo (kaya siya tumatakbo palayo kay nanay) o gumuhit (kaya ginuguhitan niya ang buong pader), o anuman. Subalit, kailangan pa rin niya ng disiplina at gabay dahil hindi pa rin niya kayang mag-isa kahit iniisip niyang kaya na niya.

Habang tumatanda, lalong nagiging masidhi ang kaniyang pakiramdam maging mapag-isa. Halimbawa, sa edad 7, maaaring maging higit na mareklamo ang bata. Minsan ay sumasagot siya sa matanda. Sa edad 17, kung kailan nagbibinata o nagdadalaga ang bata, lalong sumisidhi ang kaniyang intensyong suwayin ang iyong mga alituntunin. Nais niyang ipakitang hindi na siya makokontrol ng ibang tao dahil mayroon na siyang sariling pag-iisip. Kaya nga, ‘nagrerebelde’ siya sa edad na ito. Iniisip niyang alam na niya ang mga dapat malaman gayong malayo ito sa katotohanan.

Alamin kung ito nga ang kaniyang nararamdaman ayon sa tinatawag na developmental stage ng bata at maging higit na maunawain.

6. Hindi niya kayang kontrolin ang sariling damdamin

Hindi kayang kontrolin ng bata ang sariling damdamin kung minsan. Madali siyang magalit, malungkot, mainis, madismaya at dahil sa mga ito, madali rin siyang maging agresibo. Maaari siyang magsimulang manipa, manuntok, at mambato. Ang mga paraan niyang ito’y kayang madisiplina. Kakaiba rin ang maaari niyang ipakita tuwing siya’y sobrang saya, stress o naiinip.

Turuan siyang kontrolin ang sarili tuwing nakakaramdam ng mga emosyong ito. Kausapin siya tungkol sa iba’t ibang emosyon at pag-usapan ninyo ang iba’t ibang paraang pwede niyang gawin upang ipakita ang mga emosyong ito sa isang hindi agresibong paraan. Halimbawa, imbis na manipa ng tao, puwede muna niyang paluin ang unan; imbis na magdabog siya sa harap ni nanay, pwede muna siyang pumunta sa isang upuan at doon umiyak hanggang maging mabuti ang pakiramdam.

Kayang matutunan ng batang kontrolin ang kaniyang damdamin at makitang mayroong ibang paraang hindi nakakasakit ng ibang tao.

7. Mayroong siyang pangangailangang hindi natutugunan

Siguradong mag-iiba ang pag-uugali ng bata tuwing nakakaramdam ng gutom, uhaw, pagod, at kapag may sakit. Para sa mga edad 1 – 5, limitado ang kanilang abilidad ihatid ang wastong nararamdaman sa nakatatanda. Kaya naman mapapansing nagsisimulang mag-tantrum ang bata sa grocery o mall kung pasado alas-dose na’t hindi pa siya nanananghalian. Maaari rin siyang mag-tantrum sa umaga bago pumasok kung ginabi siya kagabi kapapanood ng palabas sa TV.

Makatutulong ang magulang sapamamagitan ng pagiging handa at listo sa mga posibleng sitwasyon. Halimbawa, laging magdala ng pagkain o meryenda para sa bata tuwing lalabas. Laging patulugin ang bata ng maaga. At para sa mga batang madaling mabagot, magdala ng mga panlibang tulad ng aklat, coloring book, o laruan.

8. Gusto niya ng kapangyarihan at kontrol

Kaakibat ng #5, nais magkaroon ng kontrol ang bata sa isang sitwasyon. Ang pagsagot-sagot ng bata sa matanda ay maaaring resulta ng kaniyang paghahanap ng kontrol mula sa magulang. Nais niyang maramdaman na mayroon siyang kapangyarihang gawin ang nais niyang gawin. Sa mga pagkakataong ganito, at upang maramdaman niyang mayroon pa rin siyang kontrol sa sitwasyon kahit papaano, bigyan siya ng pagkakataong pumili. “Gusto mo bang maglinis ng kuwarto mo ngayon o mamaya pagkatapos ng palabas na iyan?”

Sapamamagitan ng pagbibigay ng mapagpipilian, mababawasan ang mga argumento at tataas ang posibilidad na sumunod ang bata sa iyo.

9. Nakukuha niya ang gusto niya

Kung patuloy na ginagawa ng bata ang kaniyang mga hindi magandang pag-uugali, marahil ay mabisa kasi ang mga ito. Mabisang paraan ang pag-tantrum upang makuha ng bata ang gusto niya. Kapag umiyak o nagdabog na siya, susubukin na ng magulang patahanin o pakalmahin ang bata sapamamagitan ng pagbigay sa bata kung ano ang gusto niya. Kaya naman, kung nakikita ng bata na epektibo ang ginagawa niya, siguradong ipagpapatuloy niya gawin ito. Subalit, kapag nakita niyang hindi na ito mabisa, ititigil na niya ito at pakikinggan kung ano ang sinasabi sa kaniya ng magulang.

10. Mayroong pinag-uugatan ang problema

Minsan, napapansin natin ngunit hindi natin nasisiguradong mayroong kakaiba sa bata. Minsan, mayroong pangangailangan ang bata na maaari lamang matugunan kung matutukoy ng isang propesyunal ang sanhi nito. Isa sa mga sanhing mangangailangan ng propsyunal na pagkilatis ay ang tinatawag na ADHD. Marami pang ibang mga kondisyon ang kahawig nito na maaaring nakakadagdag sa problemang pag-uugali ng bata. Bukod sa ADHD, maaaring mayroon siyang anxiety o depresyon kaya natatakot siyang pumasok sa paaralan o wala siyang ganang mag-aral.

Kung sakaling mayroong napapansing kakaiba sa bata at nais makasigurado, hindi masamang kumunsulta sa propesyunal.

Recent Posts
Archive
Search By Tags
Follow Us
  • Facebook Basic Square

John Davies Vardeleon or Sir Var to his students is an educator at heart. His experiences in teaching Social Studies in the Jesuit-run Ateneo de Manila University for eight years and moderating for the school's Citizenship Program for ten years, inspired him to promote proper parenting, teacher-training, and the use of the Filipino language in his community through High Horizons Learning Center, which he started in 2007.

bottom of page