Responsibilidad: Mga Puwedeng Ipagawa sa mga Bata Ayon sa Kanilang Edad
Gusto mo bang maturuan ang iyong anak ng disiplina? Pupuwede naman sapamamagitan ng pagtuturo sa kanilang sumunod sa ilang mga gawaing pambahay. Nagsisimula ang disiplina sa mga bata kapag nagagawa na nila ang ilang bagay na iyong pinagagawa nang hindi ka na sumisigaw, namumuwersa o nangungulit. Kapag nagagawa na ito ng bata, unti-unti na niyang natututunan ang kahalagahan ng tungkulin.
Para sa maraming magulang, hindi sila komportableng magbigay ng responsibilidad sa kanilang anak. Maaaring hindi naman kasi nagagawa nang maayos ng bata ang kaniyang tungkulin o hindi talaga ginagawa ng bata ang inaasahan mula sa kaniya. Dahil sa mga dahilang ito, imbis na tumaas ang presyon, si nanay o si tatay na lang ang gagawa. Pero tandaan, makagagawa na ang mga bata ng mga bagay na hindi mo inaasahan. Baka nakalilimutan mo, ang batang gumagamit ng computer, na sadyang komplikado para sa maraming matanda, ay makapagpapa-andar ng isang simpleng appliance tulad ng washing machine.
Sa pangkalahatan, makagagawa ang bata sa preschool ng isa hanggang dalawang payak na gawain habang mas maraming komplikadong gawain ang kaya ng mas matanda. Naririto ang mga puwedeng ipagawa sa bata ayon sa kaniyang edad.
Mga gawaing puwede para sa 2 – 3 taong gulang
Ipatabi ang mga laruan
Pakainin ang alagang hayop
Ipalagay ang maruruming damit sa labahan
Ipapunas ang nabasa o nadumihang tela o bagay
Ipapagpag ang maruming bagay
Ipagpatung-patong ang mga magasin o aklat
Mga gawaing puwede para sa 4 – 5 taong gulang
Mga gawain para sa mga 2 – 3 taong gulang at:
Ipaayos ang kama
Ipatapon ang basura sa basurahan
Ipalagay ang mga ginamit na plato o pinggan sa kusina
Ipabunot ang mga damo sa hardin
Ipagamit ang vacuum para linisin ang alikabok o mumo
Ipadilig ang halaman
Ipaligpit ang nahugasang mga kubyertos
Ipahugas ang mga plato o basong yari sa plastik
Mga gawaing puwede para sa 6 – 7 taong gulang
Mga gawain para sa mga 2 – 5 taong gulang at:
Ipaghiwalay ang puti sa mga damit na may kulay bago labhan
Ipawalis ang sahig
Ipaayos at ipalinis ang hapag-kainan
Ipatulong sa paggawa at pagbalot ng recess o lunch
Ipatanggal ang damo at dahon sa paligid ng bahay
Ipapanatiling malinis ang sariling silid
Mga gawaing puwede para sa 8 – 9 taong gulang
Mga gawain para sa mga 2 – 7 taong gulang at:
Ipapuno ang washing machine
Ipaayos ang mga nabili sa grocery
Ipagamit ang vacuum
Magpatulong sa paggawa ng hapunan
Magpagawa ng sariling meryenda
Ipalinis at ipapunas ang maruming hapag-kainan
Ipaligpit ang sariling kailangang labhan
Ipaayos ang butones ng sariling damit
Ipagawa ang sariling agahan
Ipabalat ang mga gulay at prutas
Ipagawa ang simpleng pagluto tulad ng paggawa ng toast bread
Ipalinis ang sahig
Mga gawaing puwede para sa higit 9 taong gulang
Mga gawain para sa mga 2 – 9 taong gulang at:
Ipaligpit ang mga nahugasang plato, platito at kubyertos
Ipatupi ang mga nalabhang damit
Ipalinis ang banyo
Ipalinis at ipapunas ang bintana
Ipalinis at ipahugas ang kotse
Magpaluto ng simpleng pagkain na may gumagabay na matanda
Ipaplantsa ang mga damit
Ipalaba ang damit
Ipaalaga ang mga batang kapatid
Ipalinis ang kusina
Ipapalit ang mga punda ng kama at unan
Hindi pa huli ang lahat. Simulan ang paghubog sa batang may disiplina. Simulan ang pagpapa-unawa sa pagkakaroon ng responsibilidad. Simulan mo na ito sa iyong sariling tahanan.