top of page

Mga Puwedeng Laruin ng Bata Edad 1 - 6


Ang pamimili ng laruan ay sadyang seryosong bagay. Kapag madali masyado ang laruan, malaki ang posibilidad na mabagot agad ang bata. Kapag masyado namang komplikado ito, siguradong pagmumulan ito ng pagkainis ng bata. Kaya naman, kung makapapamili ka ng wastong laruan para sa kaniyang edad at kakayahan, mabibigyan mo siya ng pangmatagalang libangan habang natututo. “Ang mga laruan ay puhunan para sa pag-unlad ng bata,” sabi ni Marianne Szymanski, tagapagtatag at pangulo ng Toy Tips, Inc. at manunulat ng Toy Tips: A Parent's Essential Guide to Smart Toy Choices.

Handa ka na bang bumili ng mga laruan? Naririto ang ilang mga payo tungkol sa pamimili ng laruan ayon sa edad ng bata.

Laruan para sa 0 hanggang 6 na buwan

Hilig ng batang paslit na pagmasdan ang mga tao. Kadalasan, mas gusto niyang pagmasdan ang mga mukha at makukulay na bagay. Hilig niyang abutin ang mga bagay gamit ng kamay. Gusto rin niyang alamin kung ano ang kaniyang magagawa sa kaniyang mga kamay at paa. Nakakaya rin niyang buhatin ang kaniyang ulo, bumaling sa tunog na kaniyang naririnig, ilagay ang mga bagay sa kaniyang bibig at marami pang iba.

Mga laruan:

  • Mga laruang kaya niyang hawakan, isubo, sipsipin, kalugin, patunugin, at pigain tulad mga malalambot na manika, mga pang-teething, mga bolang hindi kayang malunok, rattles at mga malalaking storybooks na hardbound.

  • Mga puwedeng pakinggan tulad ng nursery rhymes na mga aklat at mga simpleng awitin

  • Mga puwedeng pagmasdan tulad ng mga larawan ng mukha at mga hindi mababasag na salamin

Laruan para sa 7 hanggang 12 buwan

Sa edad na ito, kaya na niyang higit na gumalaw-galaw. Siya ay naka-iikot, naka-uupo, nakagagapang. Kaya na niyang hilahin ang kaniyang sarili at paminsan-minsan, kaya na rin niyang makatayo nang nakahawak. Bagaman hindi pa nakasasalita, naka-uunawa na siya ng ilang mga salita. Napatutukoy na sa kaniya ang ilang mga bahagi ng katawan tulad ng ilong o mata. Kaya na rin niyang hanapin ang nawawalang bagay. Kung minsan, kaya na rin niyang ilabas o ilagay sa isang kahon ang mga laruan o bagay.

Mga laruan:

  • Mga laruan o gamit pang-kunyari-kunyarian tulad ng manika, puppet,

plastik o kahoy na gamit pangkusina, at mga laruang sasakyan

  • Mga gamit na puwedeng ilabas at ilagay tulad ng mga plastic bowls, malalaking beads, bola at mga laruang naipapasok sa butas

  • Mga laruang pwedeng pagpatung-patungin tulad ng mga lego o blokeng yari sa kahoy

  • Mga laruang kailangan niyang gamitan ng kaniyang mga kalamnan tulad ng malalaking bola, mga laruang puwedeng itulak o hilahin, at mga gamit na puwede siyang gumapang sa ilalim o ibabaw

Laruan para sa 1 taong gulang

Unti-unting nagiging magaslaw ang isang taong gulang. Kadalasan, nakakalakad na siya at minsa’y nakakaakyat pa ng hagdan. Mahilig siya sa mga kuwento, nakakapagsalita na ng mga payak na salita at nakakapaglaro katabi ng ibang bata bagaman hindi pa nakakapaglaro kasama ng ibang bata. Mahilig din siya mag-ekperimento kaya kailangan ng matanda para siya ay masubaybayan.

Mga laruan:

  • Malalaking aklat-kuwentong pambata at mga larawan ng mga tunay na bagay

  • Mga kanta at nursery rhymes

  • Mga pangkulay at gamit para sa sining tulad ng non-toxic marker, krayola at art paper

  • Mga kunyari-kunyaring kagamitan tulad ng manika, manikang kama,

stroller, laruang damit at bag, puppet, mga sasakyang yari sa kahoy o plastik

  • Mga bagay na puwedeng pagdugtong-dugtungin tulad ng cardboard o maliliit na blokeng kahoy

  • Mga bagay na magagamit niya ang kaniyang maliliit at malalaking kalamnan tulad ng puzzle, mga laruang may malalaking pihitan tulad ng laruang telepono, pintuan, o gripo, at iba’t ibang laki ng bola

Laruan para sa 2 taong gulang

Sa edad na ito, mabilis ng natututo ang bata ng wika. Mayroon na rin siyang pag-unawa sa ilang mga delikadong bagay pero patuloy pa rin siyang nag-eeksperimento tulad ng paglundag mula sa matataas na lugar, pag-akyat sa hagdan, paglambitin, paggulong at magaslaw na paglalaro. Mabisa ang kontrol ng kaniyang mga kamay sa paghawak ng maliliit na bagay.

Mga laruan:

  • Mga bagay na puwedeng buuin tulad ng puzzle na yari sa kahoy, mga blokeng puwedeng mapagdugtong, at mga gamit na may kawit, botones at ipit.

  • Mga kunyari-kunyaring kagamitan tulad ng manika, manikang kama, laruang damit at bag, puppet, mga sasakyang yari sa kahoy o plastik

  • Mga gamit na panlikha tulad ng krayola, marker pen, pinsel, pintura, art paper, gunting, chalk at mga instrumento

  • Mga aklat na mas maraming detalye

  • Iba’t ibang kantang pambata

  • Mga bagay na magagamit niya ang kaniyang maliliit at malalaking kalamnan tulad ng mga bolang masisipa o maihahagis, mga bagay na masasakyan, maaakyat, at maipupukpok.

Laruan para sa 3 hanggang 6 na taong gulang

Higit na mahaba ang attention span ng batang edad tatlo hanggang anim. Marami siyang mga tanong at kuwento. Mahilig din siyang mag-eksperimento. At dahil sa kaniyang higit na kasanayang tumakbo at tumalon, gusto rin niyang makipaglaro sa ibang bata pero ayaw niyang matalo.

Mga laruan:

  • Mga laruang puwedeng buuin tulad ng puzzle na may 12 hanggang higit 20 piraso, lego, mga blokeng puwedeng pagdugtung-dugtungin, mga bagay na puwedeng isaayos ayon sa kaniyang kulay, hugis, at uri tulad ng mga takip, kabibi, bato, at susi

  • Mga bagay na puwedeng pagpatung-patungin at maaaring gawing kunyari-kunyarian tulad ng mga blokeng yari sa kahoy, kotse, manika, puppet, manikang bahay na may mga pambatang kasangkapan

  • Mga bagay na puwedeng gamitin para gumuhit, kumulay at magpatugtog tulad ng krayola, marker pen, pinsel, pintura, art paper, chalk, pambatang gunting, playdough, pandikit, keyboard, xylophone, maracas, at tambourine

  • Mga aklat na may higit detalyadong larawan at maraming salita

  • Iba’t ibang uri ng musika

  • Mga bagay na magagamit nila ang kanilang maliliit at malalaking kalamnan tulad ng mga bolang masisipa o maihahagis, mga bagay na masasakyan, maaakyat, at maipupukpok tulad ng mga bisikletang may pang-alalay, kariton, bat, bowling pin, martilyo at mga turnilyong yari sa plastik

  • Sa panahon ngayon, kaya na ring paglaruan ng mga bata ang ipad, tablet at mobile devices (huwag lang sanang ipalaro ito lagi upang mabigyang pansin ang paghubog ng iba niyang kakanyahan sapamamagitan ng paglalaro sa ibang mga bagay)

Tags:

Recent Posts
Archive
Search By Tags
Follow Us
  • Facebook Basic Square

John Davies Vardeleon or Sir Var to his students is an educator at heart. His experiences in teaching Social Studies in the Jesuit-run Ateneo de Manila University for eight years and moderating for the school's Citizenship Program for ten years, inspired him to promote proper parenting, teacher-training, and the use of the Filipino language in his community through High Horizons Learning Center, which he started in 2007.

bottom of page